Welcome to PNP-PRO11

Pulis Davao Region, Respetado, Responsable at Disiplinado.

RPSB – Solar Lights at Water Reservoir

Solar lights at water reservoir, ipinagkaloob ng R-PSB Cluster 6
Pinangunahan ni PRO 11, PBGEN LORENZO B DETRAN JR., Deputy Regional Director for Administration, kasama sina PLTCOL OLIVER S NAVALEZ, Deputy City Director for Administration, Davao City Police Office, PLTCOL JED CLAMOR, R-PSB Supervisor ang isinagawang turn-over ceremony ng solar lights at water reservoir na ipinagkaloob ng Revitalized-Pulis sa Barangay Cluster 6 ng Baguio District, Davao City.
Limang 120 watts solar lights ang ibinigay at ipinatayo ng R-PSB Cluster 6 sa pamumuno ni PLT JAMES D BALBIN JR at sa patnubay ni PLTCOL JED CLAMOR, para sa mga residente ng Purok 3 Alcantara, Brgy. Gumalang sa madidilim na bahagi ng kanilang daan. Ito ay malugod na tinanggap ni Brgy. Chairwoman Elena Acain.
Malaking tulong ang nasabing solar lights upang mabigyan ng sapat na liwanag ang madidilim na daan sa nasabing purok. Sa pamamagaitan din nito, maiwasan ang mga di kanais-nais na insidente o pangyayari sa kanilang lugar kaya naman lubos ang pasasalamat ng mga residente rito.
Maliban dito, bagama’t may tubig na pinagkukuhanan ang mga residente ng Purok Mauswagon, Sitio Sumpitan, Brgy. Tawan-tawan mula sa isang bukal sa bundok, nakita ng grupo ni PLT BALBIN na nasasayang at napapabayaang tumutulo ang tubig sa kanilang hose na ginagamit. Dahil dito, napagpasyahan ng grupo na gumawa ng water reservoir na may dalawang gripo upang maging imbakan ng tubig na sapat para sa lahat ng mga nakatira rito at nang sa gayon ay hindi na ito masayang. Itinayo ang nasabing reservoir sa sentro ng mga kabahayan upang madaling mapuntahan.
Ito ay napakalaking tulong upang mas maging ligtas, malinis at mabilis ang pag-iigib ng mga tao rito. Wala namang mapagsidlan ang tuwa at pasasalamat ni Brgy. Chairman Ricardo Geirran sa natanggap na water reservoir mula sa R-PSB para sa kanilang barangay.
Matapos ang pagturn-over sa mga solar light at reservoir, sila ay namahagi rin ng food packs sa mga residente ng dalawang barangay.
Sa pagsisikap ng R-PSB Cluster 6 na maisagawa at maipagkaloob ang bawat Quick Impact Projects o QIPs tulad ng solar light at water reservoir sa mga nasabing barangay sa Baguio District, Davao City, maraming pamilya ang nabigyan ng kaginhawaan ang pamumuhay.
Team PNP-PRO 11 © 2020 ITMS